Reeve Summit 2025 | March 10-12 | Register Now!

Connect

Guillain-Barré syndrome

Ano ang Guillain-Barré syndrome?

Ang nervous system ay binubuo ng dalawang bahagi, ang Central Nervous System (CNS) na binubuo ng utak at ng spinal cord at ang Peripheral Nervous System (PNS) na binubuo naman ng lahat ng iba pang kaugatan sa buong katawan natin. Ang Guillain Barré Syndrome (GBS) ay nangyayari kapag inaatake ng immune system ang peripheral nerves ng katawan. Hindi naaapektuhan ng GBS ang CNS, kaya ang pag-iisip ay hindi naaapektuhan.

Ang proseso sa pagkakaroon ng Guillain Barré Syndrome ay mula sa pagkakamali ng immune system sa pagkilala sa normal na peripheral nerve tissue bilang panlabas, hindi kilala o hindi bahagi ng katawan. Hindi malinaw ang dahilan kung bakit nangyayari ang pagkakamaling ito. Ang pag-atake sa peripheral nerves ay nagdudulot ng pinsala sa myelin (ang puti at malagkit na substance na bumabalot sa nerve.) May ilang sitwasyon kung saan nasisira ang myelin na nagiging dahilan naman upang mapinsala ang nerve fiber. Ang isang teyorya sa autoimmune response na ito ay ang mga peripheral nerve fibers ay maaaring inaatake dahil meron ang mga itong katangian na nahahawig sa mga bacterya o virus.

May ilang naniniwala na ang dahilan ng Guillain Barré Syndrome ay maaaring sanhi ng impeksyon na nangyari sa katawan mga anim na linggo bago lumabas ang mga sintomas na nagdu-dulot ng autoimmune response (kung saan inaatake ng immune system ang normal na tissue ng katawan.) Tinatayang 2/3 ng mga taong nagkakaroon ng GBS ay nagsabi na meron silang mga nakara-ang sakit sa baga o paghinga, gastrointestinal o Zika virus sa loob ng nasabing anim na linggo. May ilang virus na may kinalaman sa pagkakaroon ng GBS kabilang na dito ang Campylobacter jejuni, cytomegalovirus (CMV), Mycoplasma pneumonia, Epstein–Barr virus, at influenza virus. May iba pang nagdulot ng GBS, bagama’t napakadalang nito, ay kinabibilangan ng operasyon o iba pang sakit. Ang eksaktong dahilan ng Guillain Barré Syndrome ay hindi pa nalalaman.

Ang Guillain Barré Syndrome ay nagaganap sa dalawang phase o yugto. Ang acute o malalang phase nito ay nangyayari kapag nagsisimula nang lumabas ang mga sintomas. At meron din itong plateau (bahagi kung saan matindi at nagpapatuloy ang mga sintomas). Ang yugto ng pag-galing ay nagsisimula kapag magsimula nang gumaling ang mga sintomas nito. Sa malalang na yusto, gumagapang pataas ang mga sintomas sa katawan. Sa paggaling na yugto naman, pumupunta naman pababa ang mga sintomas sa katawan. Kung minsan, tuluyang nawawala ang mga ito, at kung minsan naman, parte lang o bahagya ang pagkawala ng mga ito.

Tinatayang sa sampung porsyento ng mga kaso, nangyayari ang reverse GBS. Sa reverse GBS, ang mga sintomas ay gumagapang pababa sa katawan, kung nagsisimula ito sa mukha, at ang panghihina ng katawan ay nararamdaman na gumagapang pababa sa katawan, sa halip na pataas. Ang paggaling sa reverse GBS ay nangyayari kapag ang paggaling ng mga sintomas ay gumagapang pataas sa katawan.

Parehas na naapektuhan ng Guillain Barré Syndrome ang motor nerves at sensory nerves ng katawan. Ang mga unang sintomas ng GBS ay nagsisimula sa panghihina, pananakit, pamamanhid at tingling (pakiramdam na parang tinutusok ng maliliit na karayom) kadalasan sa paa o kamay. Ang mga sintomas ay parehas na nararamdaman sa kaliwa at kanang bahagi ng katawan. Ang panghihina ay karaniwang mas nararamdaman sa mga binti at nagiging mahina ang katawan upang maglakad o umakyat sa hagdan. Ang pananakit ay minsan ding nararanasan ng mga nasa wastong edad na. Ang pananakit ay mas nararamdaman ng mga bata at maaaring dahilan ito upang tumanggi silang maglakad.

At habang lumalala ang Guillain Barré Syndrome, humihina ang mga kalamnan ng katawan, at sa huli nagiging sanhi ito ng pagkakaroon ng flaccid paralysis (paralysis kung saan lumalaylay ang kalamnan). Dahil sa pagkasira sa bumabalot ng myelin, hindi maayos na naipapadala ang mga mensahe sa kaugatan. Kung apektado ang mga kalamnan sa paghinga, maaaring kailanganin ang paggamit ng mekanikal na bentilasyon upang maipagpatuloy ang paghinga. Ang autonomic nervous system (ANS) naman, na may paggana sa katawan na otomaitko na kinokontrol ng nervous system, ay maaaring maapektuhan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng problema sa puso katulad ng pagkakaroon ng mabagal o hindi regular na tibok ng puso at pagbabago sa presyon ng dugo.

Ang pagsisimula ng paglala ng GBS ay nangyayari sa loob ng ilang oras o araw. Ang paglala ng mga sintomas ay lubhang naka-dipende sa taong naaapektuhan nito. May mga tao na mabilis ang paglala ng nga sintomas, samantalang may iba naman na mabagal ang pagdaan nito. Ang bilis ng paglala ng Guillain Barré Syndrome ay maaaring maganap sa loob lang ng ilang oras hanggang apat o anim na linggo bago ito mag-stabilize. Sa halos 2/3 ng mga pasyente, umaabot ang peak ng nga sintomas sa loob ng dalawang linggo. Sa loob ng tatlong linggo, naaabot na ng 90% ng mga pasyente ang pinaka rurok ng mga sintomas. Para sa ilang mga pasyente, ang plateua ay maaaring magtagal ng apat na linggo.

Ang proseso sa paggaling ay magkakaiba rin. Posible na maging mabilis ang paggaling, ngunit mas karaniwan na ang paggaling dito ay aabot ng anim hanggang 12 buwan. Para sa ilan, ang paggaling ay maaaring tumagal ng tatlong taon. Ang pagpapa=galing ay maaaring kumpleto o partial lang.

May mga pasyente na kumpletong gumagaling sa GBS. Sa iba naman, may mga problema na nagpapatuloy na maaaring mangailangan ng equipment upang mapagbuti ang pag-ganan ng bahagi ng katawan na naapektuhan. Maaaring kailanganin ang mga bagong kalamnan aupang maisagawa nila ang mga pang-araw-araw na gawain nila.

May posibilidad din na may ilang mga problema na maaaring maresolbahan ng ibang grupo ng kalamnan. Gayunpaman, habang tumatanda ang tao, ang pagtulong na ito ng ibang kalamnan ay maaring hindi makasapat upang masiguro ang tamang pag- gana ng bahagi ng katawan na naapektuhan. Kung minsan, may ilang mga pasyente na magkakaroon ng pangkalahatang paghina sa pag-gana kaya mas nagiging mas kapansin-pansin ang problemang ito.

May mga pasyente rin, bagama’t napakaliit ng bilang ng mga ito, na nagkakaroon ng relapse o bumabalik ang mga sintomas ng GBS. Maaaring mas malubha o mas mahina ito kumpara noong una itong mangyari.

Ang Guillain Barré ay ipinangalan sa mga French neurologists na unang naglarawan ng sakit na ito noong 1916. Ang mga doktor na ito ay sina Georges Guillain, Jean Alexandre Barré, at André Strohl. May mga ilang tao na tinatawag ang syndrome bilang Guillain Barré Strohl. Ang iba pang pangalan ng Guillain Barré Syndrome ay Landry’s paralysis at post infectious polyneuritis.

Ang artikulong ito ay ginamit nang may pahintulot mula sa Mayo Foundation para Medilal na Pag-aaral at pagsasaliksik, lahat ng karapatan ay naka reserba sa kanila.

Mga Uri ng Guillain Barré Syndrome

May iba’t ibang uri at subseksyon ang GBS. Ang mga paraan ng paggagamot ay nakasalalay sa uri ng GBS ng pasyente.

Acute Inflammatory Demyelinating Polyneuropathy (AIDP): Ang myelin na nakabalot sa kaugatan ay napinsala kaya hindi maayos na dumadaan dito ang mga signal ng kaugatan.

Acute Motor Axonal Neuropathy (AMAN): Ang myelin na naka balot at motor nerve fibers (axons) ay napinsala kaya hindi maayos na dumadaan ang nerve signal o kaya naman ay walang nerve signal na dumadaan dito para sa paggalaw at reflexes, bagama’t nananatili ang paggana ng pakiramdam (nakakaramdam pa ang bahagi ng katawan na naapektuhan).

Acute Motor-Sensory Axonal Neuropathy (AMSAN): Ang myelin nakabalot, motor at sensory nerve fibers (axons) ay napinsala kaya hindi maayos na dumadaan ang nerve signal o kaya naman ay walang nerve signal na dumadaan dito para sa paggalaw at pagkakaroon ng pakiramdam.

Miller-Fisher Syndrome: Ang rare o bihirang uri na ito ng Guillain-Barré syndrome ay may mga sintomas na kinabibilangan ng abnormal na koordinasyon ng mga kalamnan at nakararanas ang pasyente ng mahinang balanse at clumsy o hindi maayos na paglalakad sanhi ng panghihina ng kalamnan, panghihina o paralysis ng mga kalamnan sa mata, pagkawala ng reflexes sa litid at pagpalya ng baga o paghinga. May natatanging panlaban ng katawan na matatagpuan sa katawan. Maaari rin itong mangyari pagkatapos magkaroon ng isang sakit na sanhi ng virus.

Acute Pandysautonomic Neuropathy (APN): Ang APN ay nakakaapekto sa autonomic nervous system at kabilang dito ang encephalopathy (pinsala o sakit sa utak) bagama’t hindi kasama dito ang pinsala sa paggalaw o pagkakaroon ng pakiramdam. Ang mga sintomas nito ay kinabibilangan ng orthostatic hypotension (mababang presyon ng dugo), kawalan ng kakayahan na magkaroon ng pawis, pupil sa mata na walang reaksyon, mahinang produksyon ng luha at laway, hindi paggana ng bituka at bahagi sa lubo ng tiyan, at problema sa pag-ihi at pakikipagtalik.

Mga kaugnay na peripheral nerve na sakit:

Chronic Inflammatory Demyelinating Polyneuropathy (CIDP): Ang CIDP ay ang pagkakaroon ng tuluy-tuloy na paghina ng maraming grupo ng kaugatan sa pagdaan ng mga taon. Pinaniniwalaang isa itong pangmatagalng porma o pabalik-balik na uri ng GBS.

Multifocal Motor Neuropathy (MMN): Ang MMN ay nakaka- apekto sa iba’t ibang kalamnan sa isang bahagi ng braso o binti (mas kaunting grupo ng mga kaugatan), at karaniwang nangyayari ito sa isang bahagi o sa gilid lang ng katawan.

Mga Sintomas ng Guillain Barré Syndrome

Ang Guillain Barré ay isang syndrome dahil ito ay binubuo ng isang grupo ng mga sintomas na karaniwang lumalabas nang sabay-sabay. Ang mga sintomas ay maaaring kinabibilangan ng lahat o ilan sa mga sumusunod:

  • Pakiramdam na parang tinutusok-tusok ng karayom iyong mga daliri sa paa at bukung-bukongan, o mga daliri sa kamay at pulso
  • Matinding pananakit na maaaring mahapdi, biglang matinding pananakit o animo’y pulikat, at maaaring mas malala ang pakiramdam na ito sa gabi
  • Panghihina ng mga kalamnan sa iyong binti na gumagapang pataas sa iyong katawan
  • Problema sa koordinasyon at hindi matatag o hindi matatag na pagkilos lalo na kapag umaakyat sa hagdan o kapag naglalakad
  • Hirap sa pagpigil ng pantog, problema sa digestion at pagdumi
  • Problema sa paggalaw ng kalamnan sa mukha, kabilang na ang problema sa pagsasalita, pag-nguya o paglunok
  • Hirap sa paghinga
  • Problema sa paggalaw o hindi maigalaw ang mga mata, problema sa paningin katulad ng pagkaduling (doble ang paningin)
  • Abnormal o mabilis na pagtibok ng puso
  • Mababa o mataas na presyon ng dugo

Pag-diagnose ng Guillain Barré Syndrome

Ang mga sintomas ng GBS ay maaaring nahahawig sa iba’t iba pang problema sa nervous system. Ang pinaka-palatandaan ng GBS ay ang pagkakaroon ng mga sintomas na sabay-sabay na lumalabas sa kanan at kaliwang bahagi ng katawan at ang mabilis na pagdating o pagsisimula ng mga sintomas nito. Ang GBS ay karaniwang lumalabas sa loob lang ng ilang oras kumpara sa iba pang problema sa nervous system kung saan lumalabas ang mga sintomas sa pagkalipas ng ilang buwan.

Pisikal na Pagsusuri. Napakahalaga na sabihin mo sa doktor o sa emerhinsiyang doctor ang lahat ng sintomas na nararanasan mo kapag isinagawa sayo ang pisikal na pagsusuri upang matulungan ka sa diagnosis o pagsuri ng sakit mo. Kabilang na dito ang panghihina at pagbabago sa pakiramdam katulad ng pamamanhid, pakiramdam na parang tinutusok-tusok ang balat at pananakit. Kakailanganin na sabihin mo kung kailan nagsimula ang mga sintomas na ito, kung nagsimula ang mga ito sa paa at binti, kamay at braso, o parehas na nangyari ito. Ang pagsisimula ng mga sintomas sa loob ng ilang oras o apat na linggo at ang mga sintomas ay parehas nararamdaman sa magkabilang bahagi ng katawan ay mga senyales ng GBS.

Sa pisikal na pagsusuri, magsasagawa ang doktor ng neurologikal na pagsusuri na kinabibilangan ng pagsusuri ng malalim na reflexes ng litid gamit ang reflex na martilyo sa likod ng bukung-bukongan, tuhod, pulso, siko at iba pang bahagi ng katawan. Ang pagkawala o paghina ng mga malalim na reflex ng litid ay palatandaan ng GBS.

Sa iyong mga kasaysayan sa kalusugan, siguraduhing sabihin mo kung nagkaroon ka ng viral na sakit lalo na sa nakaraang anim na buwan, o kung nakaranas ka ng pagtatae, sumailalim sa operasyon o kung nagkaroon ka ng iba pang hindi karaniwang problema sa kalusugan.

Lumbar puncture o spinal tap na nagsusuri ng likido sa gulugod o spine. Sa malinis na pamamaraan na ito, sasabihin sayo na humiga ka nang patagilid at ilapit ang tuhod mo sa dibdib, o kung hindi mo kayang gawin ito, pauupuin ka nang nakadikit ang tuhod sa dibdib mo. Sa pamamagitan nito, mabubuksan ang mga espasyo sa pagitan ng mga vertebra o buto sa likod mo. May ipapasok na karayom sa espasyong ito na nakapaligid sa spinal cord sa pagitan ng L3 at L4 (ang pangatlo at pang-apat na lumbar vertebra). May kukuhanin dito na kaunting likido sa gulugod at susuriin ito sa laboratoryo. Ang isa sa palatandaan ng GBS ay pagkakaroon ng mataas na protina sa cerebrospinal fluid nang hindi tumataas ang bilang ng selula.

Ang Nerve Conduction Studies (NCS) ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagbigay ng mahinang-mahinang kuryente sa isang lugar ng kaugatan o nerve upang masuri kung gaano kahusay na naipadadaan ng kaugatan ang mensahe. Ang mabagal o abnormal na pagdaan ng mensahe ay isang palatandaan ng GBS. Maaari ring isagawa ang electromyogram (EMG) na sumusukat naman kung gaano kahusay na nag gumagana ang isang kalamnan.

Paggamot ng Guillain Barré Syndrome

Walang paggamot na nakakapagpagaling sa GBS, bagama’t may dalawang therapy na maaaring isagawa upang mabawasan ang mga sintomas at mas mapabilis ang paglipas ng syndrome.

Plasma exchange (plasmapheresis). Sa therapy na ito, ang sarili mong dugo ang karaniwang ginagamit. Ang dugo (plasma) ay inihihiwalay sa mga selula ng dugo mo. Ang mga selula ng dugo mo ay ibinabalik sa katawan mo, ngunit ang katawan mo ay gagawa ng mas maraming plasma upang mapalitan ang plasmang tinanggal. Hindi dapat aatakihin ng bagong gawang plasma ang mga peripheral nerve.

Immunoglobulin therapy. Bibigyan ka ng dugo mula sa mga donor. Ang dugo ay naglalaman ng immunoglobulin (kasama na ang mga malulusog na panlaban sa katawan) na may kakayahan na harangan ang mga nakapipinsalang panlaban sa katawan na ginagawa ng katawan mo. Sa pamamagitan nito, napipigilan ang pag-atake sa mga peripheral nerves na nagdudulot ng GBS.

May mga paraan ding isinasagawa upang mabigyang ginhawa ang pasyente katulad ng pagbibigay ng gamot upang makontrol ang sakit na nararamdaman niya at upang mapanatili ang normal na paggana ng katawan niya.

Kung ang kalagayan mo ay nangangailangan ng tulong sa paghinga, bibigyan ka ng mekanikal ba bentilasyon. Ang pagpili sa bentilasyon na gagamitin ay iaayon sa tiyak na pangangailangan mo.

Pagpapagaling sa Guillain Barré Syndrome

Ang pagpapagaling sa GBS ay magkakaiba. Ang pangkalahatang panuntunan sa pagpapagaling ay katulad ng sa peripheral nerve na pinsala, na siyang nagaganap sa GBS. Ang mga peripheral nerve ay gumagaling ng 1 pulgada bawat buwan. Ang paggaling sa GBS ay depende sa laki ng pinsala sa myelin at kung may pinsala rin na naganap sa mga peripheral nerve. Kung ang mga sintomas ng GBS ay umaakyat pataas sa katawan sa malalang yugto nito, bumababa naman ang mga ito sa katawan kapag gumagaling na ang pasyente. May mga pasyente na gumagaling sa loob ng tatlong linggo. Ang karamihan naman ay gumagaling pagkalipas ng anim hanggang 12 buwan. May iba rin naman na umaabot sa tatlong taon ang paggaling.

Bagama’t karamihan ng mga pasyente ng GBS ay gumagaling dito, may 4-7% sa mga ito ang namamatay. Ang karamihan sa mga pasyente ng GBS ay gumagaling dito at 60-80% ng mga ito ay nakakalakad na pagkatapos ng anim na buwan.

Hindi lahat ay lubos na gumagaling dito. May mga natitirang problema sa syndrome, at sa 7-15% ng mga pasyente ng GBS, nagpapatuloy ang mga problemang ito. Ang mga karaniwang problema na nagpapatuloy pagkatapos gumaling sa GBS ay kinabibilangan ng panghihina, kawalan ng reflexes, pagkawala ng balanse o pagkawala ng pakiramdam. Maaaring manatili ang mga neurologikal na problema katulad ng foot drop (hindi maitaas ang harap ng paa) ng dalawang paa, pagkawala ng kalamnan sa mga kamay (hindi maigalaw ang kamay), pagkawala ng koordinasyon sanhi ng mas mahinang sensory input (sensory ataxia), at pananakit, mahapding pakiramdam, pakiramdam na parang tinutusok-tusok at pakiramdam na parang hindi makakilos (dysesthesia).

Rehabilitasyon para sa Guillain Barré Syndrome

Sa acute phase ng GBS, ang paggagamot at pag-aalaga ay malamang na ibibigay sa ‘yo sa intensive care unit. Isasagawa ang mga stratehiya upang mapanatili ang pag-function ng katawan at pag-protekta dito. Kasama dito ang tamang pagpoposisyon at pagtagilid ng katawan mo, paglagay sa ‘yo sa surface kung saan nasisigurong hindi namumuo ang pressure, at pagsasagawa ng mga ehersisyo sa paggalaw. Kung may problema ka sa paglunok o pagkain, ibibigay sayo ang nutrisyon sa pamamagitan ng I.V. o pagpapakain sa pamamagitan ng tubo. Aalagaan din ang iyong mental health sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta, pagpapanatag sayo at therapy upang malibang ka.

Sa yugto ng pagpapagaling, marami pang masinsinang therapy na ibibigay sa ‘yo upang mapahusay ang paggana at paggalaw ng katawan mo. Ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya ng katawan mo at pangangasiwa sa panka-pagod o sobrang pagod ang pagtutuunan ng pansin ng bawat isa sa team ng pagpapagaling mo upang makabalik ka na gumana o kumilos nang mag-isa.

Ang Physiatrist, na isang doktor na dalubhasa sa pisikal na medisina at rehabilitasyon, ang mamumuno sa pangangalaga at pangangasiwa ng mga pangangailangan mo sa paggaling mo.

Ang mga Physical Therapist ang magbibigay sayo ng therapy at gabay sa paggalaw at pagpapalakas ng katawan upang matuto kang tumagilid, magbalanse, umupo at lumakad habang nagpapagaling ka. Magbibigay sila ng mga equipment at mga gamit upang matutunan mo na mapabuti at mas mapahusay ang pagpapagaling mo.

Ang mga Occupational Therapist naman ang magbibigay ng therapy para sa mga pang araw-araw na gawain mo. Tutulungan ka nila sa iyong fine motor kontrol, pagpapaligo, mga paraan sa pagbibihis, pag-adapt sa pagkain, at lahat ng bagay na kailangan mo na makakatulong sayo sa pang araw-araw na pamumuhay mo.

Ang mga Pathologist sa pagsasalita at linggwahe ang tutulong sayo sa pagsasaliita at pagpapabuti ng kakayahan mo na makalunok.

Ang mga rehistradong nurse ang magmo-monitor ng estado ng iyong kalusugan, magbibigay sayo ng gamot kung kailangan, at magtuturo sa ‘yo ng mga stratehiya sa rehabilitasyon para sa pang araw-araw na nakasanayan mong gawain. Tutulungan ka rin nila na maibalik mo ang pagkontrol sa pagdumi at pag-ihi. Ang mga nurse din ang tutulong sayo sa pagpa-plano sa paglabas mo sa ospital at pagbalik sa bahay o sa pagpunta sa pansamantalang pang-matagalang pangangalagang pasilidad, kung kailangan.

Ang Psychologist ang tutulong sayo upang matuto ka sa pamumuhay mo pagkatapos na ma-diagnose ka ng syndrome na ito. Makikipagtulungan sila sayo upang masiguro na maayos ang kalusugan ng iyong pag-iisip.

Ang Social Worker ang maaaring makatulong sayo sa pagbalik mo sa bahay, at sisiguraduhin niya na meron kang mga gamit na kailangan mo at sisiguraduhin din niya na may mga gamit ka sa bahay upang maging ligtas ka sa pagbalik mo sa bahay.

Ang Guillain Barré Syndrome at mga Bakuna

Noong una, nagkaroon ng talakayan sa posibilidad ng pagkakaroon ng GBS pagkatapos na magpabakuna ang isang tao laban sa trangkaso. Ang ideyang ito ay nagmula sa bakuna laban sa swine flu na ibinigay noong 1976 dahil ginawa ito gamit ang isang uri ng tissue na hindi na ginagamit ngayon. Ang swine flu na bakuna ay ginawa gamit ang tissue sa utak, ngunit ngayon, ito ay binubuo na sa mga itlog. Nagsagawa ang CDC (Centers for Disease Control and Prevention) ng pagsasaliksik ukol dito at nakita dito na ang rate ng GBS ay 0 hanggang 1-2 na kaso sa bawat 1 milyon ng bakuna na ibinibigay, na kahawig ng pangkalahatang populasyon. Ang panganib na magkaroon ng trangkaso at pagkatapos ay magkaroon ng GBS ay 17.2 sa bawat 1 milyong tao. Sa gayon, ang posibilidad na magkaroon ng GBS ay mas mataas kung magkakaroon ka ng trangkaso kumpara kung magpapabakuna ka laban sa trangkaso.

Ayon sa mga pag-aaral, walang karagdagang peligro na magkaroon ng GBS sa anumang bakuna laban sa mga sumusunod: tigdas, beke, rubella, HPV, meningococcal conjugate, polyo, pneumococcal, bulutong, Hib, rabies, tetano, diphtheria, hepatitis A, at hepatitis B. https://www.chop.edu/centers-programs/vaccine-educ…

Kausapin ang iyong doktor kung dapat kang magpabakuna laban sa trangkaso kung nagkaroon ka na ng GBS noon.

Pagsasaliksik

Maraming elemento ng Guillain Barré Syndrome ang kasalukuyang pinag-aaralan. Ang isa sa mga ito ay may kinalaman sa immune system bilang trigger o nagpapasimula ng syndrome. Sinusuri ng mga nanaliksik ang teyorya ng impeksyon bilang isang nagdudulot, kung bakit tinatarget ng immune system ang peripheral nerves at kung paano mapipigilan na mangyari ito. Kapag naunawaan na kung bakit nangyayari ito, maaari nang gumawa ng mga alternatibo upang mapigilan ang GBS. Sa GBS, napakataas ng bilang ng anti-ganglioside na panlaban ng katawan sa dugo. Kasalukuyang pinag-aaralan kung paano ito nakakaapekto sa pagkakaroon ng GBS at kung paano makokontrol ang mga ito.

Bilang alternatibo, may teyorya na nagsasabi na may mga pagbabago sa genetics ng isang tao na siyang dahilan kaya mas malaki ang posibilidad na magkaroon siya ng GBS. Ang teyoryang ito ay nangangailangan ng karagdagang suporta upang malaman ang mga pagbabago sa genetics at kung bakit ito ang nagiging nagpapalitaw ng syndrome.

Mga Katotohanan at Bilang

Isa sa 100,000 tao taun-taon ang naaapektuhan ng GBS.

Ang Acute Inflammatory Demyelinating Polyneuropathy (AIDP) ang pinaka-karaniwang uri ng GBS sa U.S.

Parehas at pantay na naaapektuhan nito ang mga lalaki at babae.

Ang GBS ay mas madalas na nangyayari sa mga hustong gulang na at mas matatandang tao, bagama’t maaaring maapektuhan nito ang sinuman, anuman ang edad nila.

Ang mga bata ay hindi karaniwan na nagkakaroon ng Guillain-Barre Syndrome, at sa pangkalahatan, mas lubos at mas mabilis ang paggaling nila kumpara sa mga matatanda.

Ang pagpapagaling sa syndrome na ito kung saan makakalakad na mag-isa ang pasyente ay nasa 80% at anim na buwan mula nang ma-diagnose ito.

Ang pagpapagaling sa syndrome na ito kung saan bumabalik ang lakas ng pasyente sa paggalaw ay nasa 60% at isang taon mula nang ma-diagnose ito.

Ang pagka-antala o hindi kumpletong pagpapagaling ay nangyayari sa 5% hanggang 10% ng mga pasyente.

2% hanggang 5% ng mga pasyente ang nagkaroon ng pagbabalik o nagkakaroon muli ng sintomas ng GBS.

Mga Mapagkukunan ng Tulong at Impormasyon para sa mga konsuminador

Kung naghahanap ka ng impormasyon ukol sa Guillain Barré Syndrome o kung may tiyak na tanong ka, ang aming Information Specialists ay bukas tuwing araw na may trabaho at pasok, Lunes hanggang Biyernes, toll-free sa 800-539-7309 mula alas 7 ng umaga hanggang alas 12 ng umaga ET.

Bilang Karagdagan, pinapanatili ng Reeve Foundation ang mga sheet ng katotohanan na may karagdagang mga mapagkukunan mula sa mga pinagkakatiwalaang mapagkukunan ng Reeve Foundation. Check out our repository of fact sheets sa daan-daang mga paksa mula sa mga mapagkukunan ng estado hanggang sa pangalawang komplikasyon ng pagkalumpo sa www.ChristopherReeve.org/factheets. Hinihikayat ka namin na makipag-ugnay sa mga pangkat at suporta ng GBS, kasama ang:

GBS-CIDP supportang grupo https://www.gbs-cidp.org/support/

National Institute of Neurological Disorders and Stroke https://www.ninds.nih.gov/Disorders/Patient-Caregiver-Education/Fact-sheets/Guillain-Barr%C3%A9-Syndrome-Fact-Sheet

National Organization for Rare Diseases https://rarediseases.org/organizations/guillain-barre-syndrome-support-group/

A Clinical Practice Guideline for the treatment of GBS is available:

Hughes RAC, Wijdicks EFM, Barohn R, Benson E, Cornblath DR, Hahn AF, Meythaler JM, Miller RG, Sladky JT, Stevens JC. Practice parameter: Immunotherapy for Guillain–Barré syndrome, Report of the Quality Standards Subcommittee of the American Academy of Neurology, Neurology 2003;61;736-740. www.neurology.org

KARAGDAGANG PAGBABASA

Mga Sanggunian

Green DM, Ropper AH. Mild Guillain-Barré Syndrome. Arch Neurol. 2001;58(7):1098-1101. doi:10.1001/archneur.58.7.1098.

Haber P, Sejvar J, Mikaeloff Y, DeStefano F. Vaccines and Guillain-Barré syndrome. Drug Saf. 2009;32(4):309-23. doi: 10.2165/00002018-200932040-00005.PMID: 19388722 DOI: 10.2165/00002018-200932040-00005.

Hiraga A, Mori M. Recovery patterns and long term prognosis for axonal Guillain-Barré syndrome. Journal of Neurology Neurosurgery & Psychiatry, 2005, 76(5):719-22 DOI: 10.1136/jnnp.2004.051136.

Hiraga A, Mori M, Ogawara K, Kojima S, Kanesaka T, Misawa S, Hattori T, Kuwabara S. Recovery patterns and long term prognosis for axonal Guillain-Barré syndrome. J Neurol Neurosurg Psychiatry. 2005 May;76(5):719-22. doi: 10.1136/jnnp.2004.051136.PMID: 15834034 PMCID: PMC1739613 DOI: 10.1136/jnnp.2004.051136. March 01, 1997; 48 (3) ARTICLE

Ho TW, Li CY, Cornblath DR, Gao CY, Asbury AK, Griffin JW, McKhann GM. Patterns of recovery in the Guillain-Barre syndromes. Neurology, First published March 1, 1997, DOI: https://doi.org/10.1212/WNL.48.3.695

Hughes RAC, Cornblath DR. Guillain-Barré syndrome. Thelancet.com, Volume 366, November 5, 2005, 1653-1666. doi:10.1016/S0140-6736(05)67665-9.

Kusunokia S, Kaidab K, Uedaa M. Antibodies against gangliosides and ganglioside complexes in Guillain–Barré syndrome: New aspects of research. Biochimica et Biophysica Acta (BBA), Volume 1780, Issue 3, March 2008, Pages 441-444. https://doi.org/10.1016/j.bbagen.2007.10.001.

Tam CC, O’Brien SJ, Petersen I, Islam A, Hayward A, Rodrigues LC. Guillain-Barré Syndrome and Preceding Infection with Campylobacter, Influenza and Epstein-Barr Virus in the General Practice Research Database. Plos One, April 4, 2007 https://doi.org/10.1371/journal.pone.0000344.