Make twice the difference, give now!

Connect

Programa para sa ehersisyo ni Christopher

Ang panunumbalik ng kakayahan ni Christopher Reeve

Ipinakita ni Christopher Reeve sa mundo na napanumbalik niya ang kaunting paggalaw at pakiramdam. Bagama’t hindi siya nakalakad, bagama’t hindi naibalik ang kakayahang dumumi, umihi at makipagtalik, at hindi rin siya makahinga nang walang bintalador, napakamakabuluhan ng limitadong panunumbalik ng kaniyang kakayahan.

Tinataya ng mga siyentipikong sulatin ukol sa spinal cord injury na karamihan sa panunumbalik ng kakayahan ay magaganap sa unang anim na buwan pagkatapos ng pinsala, at sa karaniwan ay makukumpleto na ito sa loob ng dalawang taon. Ang panunumbalik ng kakayahan ni Christopher na nagsimula lima hanggang pitong taon matapos ang kaniyang pinsala, ay sumalungat sa mga medikal na inaasahang ito, at nagkaroon ng napakamakabuluhang epekto sa kaniyang araw-araw na pamumuhay.

Bakit bumuti si Christopher Reeve kahit matagal na ang panahong lumipas matapos ang kaniyang pinsala? Pinaniwalaan niya na ang kaniyang mas humusay na kakayahan ay resulta ng masinsinang pisikal na aktibidad.

Nagsimulang mag-ehersisyo si Christopher noong taong mapinsala siya. Pagkatapos ng limang taon, noong una niyang napansin na kusa na niyang nagagalaw ang kaniyang hintuturo, nagsimula si Christopher ng matinding programa ng pag-eehersisyo na pinangasiwaan ni Dr. John McDonald sa Washington University sa St. Louis.

May isinamang ilang aktibidad si Christopher sa programa niya. Gumamit siya araw-araw ng elektrikal na stimulasyon para bumigat ang kaniyang mga braso, quadricep, hamstring at iba pang pangkat ng mga kalamnan. Sumakay siya sa isang Functional Electrical Stimulation (FES) na bisikleta, nagsanay sa paghinga at lumahok din sa aquatherapy.

Noong 1998 at 1999, sumailalim si Christopher sa pagsasanay sa treadmill para maisagawa ang functional stepping. Ang kaniyang karanasan sa pagsasanay sa treadmill ay ang pundasyon ng NeuroRecovery Network® ng Reeve Foundation.

Pinaniwalaan ni Christopher at ni Dr. McDonald na maaaring nagising ng mga aktibidad na ito ang mga natutulog na landas ng nerbiyo.

Nagpauna si Dr. McDonald at ibang mga tagapagsaliksik na huwag labis na bigyang-kahulugan ang mga resulta ni Christopher. Malinaw na hindi lahat ng taong may paralysis ay makikinabang sa katulad na programa, at dapat palagi kang kumonsulta sa iyong doktor bago magsimula o mag-iba ng rutina sa pagpapalakas ng katawan.

Isang programa sa pagpapalakas ng katawan na binuo para sa Superman

Totoo ito para sa sinuman sa atin: ang pag-eehersisyo ay kaugnay ng mas magandang kalusugan. May ilang, kung mayroon man, negatibong mga epekto ang pag-eehersisyo. Kahit sa mga taong hindi nakakaranas ng panunumbalik ng kakayahan na tulad ng kay Christopher Reeve, napabuti nito ang kanilang kalagayan.

Ang paglahok ni Christopher sa pag-eehersisyo ay naudyok ng mga kilalang benepisyo sa cardiovascular na kakayahan, tone ng kalamnan, density ng buto, atbp. Totoo nga na mas kaunti ang kaniyang mga medikal na komplikasyon gaya ng mga impeksyon sa pantog at baga.

Bago mag-1999, madalas na kinailangang maospital ni Christopher – sa kabuuan, siyam ang kaniyang mga nakamamatay na komplikasyon at nangailangan ito nang halos 600 araw ng paggagamot gamit ang antibiotic.

Pagkatapos ng 1999, bihira na siyang maospital, nagkaroon lang siya ng isang medikal na komplikasyon, at nangailangan lang ng 60 araw ng paggagamot gamit ang antibiotic.

Ang mga paghusay na ito sa kaniyang kalusugan ay nagpatatag sa emosyonal na kalagayan ni Christopher at dahil dito ay nakapagtalaga siya sa iba’t ibang proyekto dahil alam niyang makakatuon siya sa mga ito.

Ngayon, nagsisikap ang mga siyentipiko upang makagawa ng makabagong therapy para maidulot ang katulad na mga benepisyo sa ibang taong namumuhay nang may paralysis.

Ang karanasan ni Christopher Reeve ay isang halimbawa ng kung ano ang pwedeng mangyari kung may hindi tatanggap sa paniniwalang “sanayin mo na lang ang sarili mo.” Bagama’t hindi malinaw kung ano ang nagsanhi ng panunumbalik ng kaniyang kakayahan, ang paghusay ng kaniyang mga kakayahan ay pinagmulan ng pag-asa at inspirasyon ng iba.

Isa siyang malakas na tagasuporta sa paggawa ng bagong teknolohiya at sa pagpapalaganap ng mas maraming therapy.

May mga kawani ako at mga kagamitan. Ngunit ang gusto ko talaga sanang kahinatnan ng aking karanasan ay ang makabuluhang pagbabago sa paraan ng pagnenegosyo ng mga kompanya ng insurance. Kung babayaran ng mga kompanya ng insurance ang proactive therapy at mga kagamitan, makakatipid sila ng pera para hindi palaging maospital ang mga taong tulad ko. Ang mga taong may mas mababang level ng pinsala ay makakaalis sa kanilang upuan. Panalo pa rin kayo dito.

– Christopher Reeve

Ang nasa ibaba ay buod ng iba’t ibang aktibidad na kasama sa programa ng pag-eehersisyo ni Reeve:

Paalala: bago pag-isipan ang paglahok sa mga advanced rehabilitation therapy gaya ng FES o pagsasanay sa treadmill, mahalagang kumonsulta sa iyong doktor upang matiyak na angkop at ligtas ang mga therapy para sa iyo.

Functional Electrical Stimulation (FES)

Si Christopher Reeve ay nag-ehersisyo ng isang oras nang hindi bababa sa tatlong beses isang linggo sa FES na bisikleta.

Pinapayagan ng teknolohiyang ito na pumadyak sa nakapirming leg-cycle na tinatawag na ergometer ang mga taong may kaunti o walang kusang paggalaw sa binti. Dahil pinapagana ito ng computer, may tina-transmit na mababang level na electrical pulse sa pamamagitan ng surface electrodes tungo sa mga kalamnan ng binti. Nagdudulot ito ng magkakatugmang kontraksyon pati na ang pagpedal.

Hindi na bago ang mga FES bike at mahigit na sa 20 taon na itong binebenta. At, ginamit ang mga FES system sa mga center ng pagsasaliksik sa buong mundo sa nakalipas na ilang taon.

Dito sa Amerika, may ilang kompanyang kasalukuyang gumagawa ng mga bike. Ang Therapeutic Alliances, Inc., isa sa pinakaunang tagagawa, ay ang gumagawa ng Ergys 2. Inaalok naman ng Restorative Therapies, Inc. ang RT300-S na pinapagana nang direkta mula sa wheelchair kaya hindi na kailangan ng transfer.

Hindi rin mura ang mga FES bike – mga nasa $15,000 ito. Ang ilang kompanya sa insurance ay babayaran ka pabalik para sa mga ito. May mga bike na magagamit sa isang komunidad, sa mga health club at klinikang pangrehabilitasyon.

Ang unang hakbang ay ang pumili ng bike na maganda ang makina. Naa-upgrade ang lahat ng electronics mula sa mga tagagawa. Ang bawat bike ay may naka-set up na program cartridge para sa mga espesipikong pangangailangan ng bawat sumasakay, pati na rin ang oras ng pagtakbo, resistensya, atbp. Kailangan ng reseta para magkaroon ng cartridge. Para sa mga dahilang pangkaligtasan, hindi inirerekomenda ang paggamit ng mga sumasakay ng FES bike ng cartridge ng iba.

Napakaraming medikal na sulatin na nagtatala ng bisa ng FES para madagdagan ang bigat ng kalamnan (muscle mass) at mas pahusayin ang kakayahang cardiopulmonary. May mga pag-aaral din na umuugnay sa FES sa mas madalang na paglitaw ng pressure sores, mas maayos na kakayahang dumumi at umihi, at mas bihirang pagkakaroon ng mga impeksyon sa daanan ng ihi (urinary tract infections).

Ayon kay Dr. McDonald, maaaring maging mas kapaki-pakinabang pa ang FES bike kaysa sa simpleng pagpapabigat ng kalaman. “Iminumungkahi naming gamitin ang mga ito para sa ibang dahilan – para suportahan ang pagre-regenerate at panunumbalik ng kakayahan. Ngayon, may datos na kaming nagpapakita na kayang pahusayin ng aktibidad sa FES ang pagre-regenerate sa mga hayop, at nauugnay ito sa panunumbalik ng kakayahan sa mga tao.”

Treadmill o Locomotor Training

Ang Locomotor Training ay isang pamamaraan ng rehabilitasyon na nagsimulang makilala noong nakalipas na dekada. Kasama dito ang pagkatuto na batay sa aktibidad kung saan nauudyukan ng serye ng mga espesipikong paggalaw (sa sitwasyong ito ay paghakbang) ang impormasyon ng pakiramdam na tila nagpapaalala sa gulugod kung paano humakbang.

Gumagamit ang Locomotor Training ng paulit-ulit na paggalaw para maturuan ang mga binti na makalakad muli. Nakabitin ang isang paralisadong tao nang may harness sa ibabaw ng treadmill para mabawasan ang bigat na dapat pasanin ng mga binti. Kapag nagsimula nang gumalaw ang treadmill, mano-manong igagalaw ng mga therapist ang mga binti ng tao sa paraan ng paglalakad.

Ang tunay na layunin ng Locomotor Training ay ang muling sanayin ang gulugod na ‘maalala’ kung paano maglakad.

Ang teorya sa likod ng locomotor training ay ang napinsalang nervous system ay maaaring “plastic,” at maaaring manumbalik ang kakayahan kapag isinagawa ang may-sinusundang neural na aktibidad na gaya ng paglalakad.

Binigyang-diin ng pagsasalilksik na mula sa University of California sa Los Angeles at sa Germany, Switzerland at Canada na tila kumikilos na parang maliit na utak ang gulugod kung kaya’t kaya nitong kontrolin ang paghakbang. Maraming ginagagawang pasya sa nakasanayan ang gulugod tungkol sa tamang paraan ng paglalakad. Kapag pinigilang maglakad ang isang taong namumuhay nang may paralysis, mag-iisip ang utak at ang gulugod ng mga bagong paraan upang magawa ito.

Maraming taong may paralysis, kahit gaano katagal nang nagsimula ito, ay mas napaghusay ang kanilang paglalakad pagkatapos makatanggap ng Locomotor Training. Iba ang level ng panunumbalik ng kakayahan sa bawat tao, bagama’t halos lahat ng nagtataglay ng di-ganap na pinsala ay nakapagpakita ng paghusay.

Mahalagang maunawaan na ang Locomotor Training ay isang nagbabagong therapy at maaaring hindi makatulong sa lahat na makapaglakad nang mas maayos. Nakakita ang mga tao ng iba pang pakinabang liban sa paglalakad, gaya ng mas maayos na kalusugan at kalagayan.

Habang inilalabas ang mga treadmill sa komunidad, mahalagang malaman ng mga tao na ang programa sa Locomotor Training ay dapat may kasamang marurunong na therapist na tutulong sa mga pasyente. Upang masulit ang kakayahan ng pasyenteng humakbang pagkatapos ng injury, talagang nakasalalay ito sa kasanayan ng mga therapist at sa katumpakan ng paghahatid ng locomotor training.

Ang Locomotor Training ay ang pangunahing therapy na inaalok ng NeuroRecovery Network® (NRN) ng Reeve Foundation, na isang network ng makabagong mga clinical rehabilitation center at Community Fitness at Wellness Facilities na bumubuo sa dalawang sangay ng pangangalaga para sa mga tanong namumuhay nang may spinal cord injury at iba pang mga pisikal na kapansanan.

Aquatherapy

Naipakita ni Christopher Reeve ang kakayahang igalaw ang kaniyang mga binti at braso sa isang pool. Malaki ang nababawas sa epekto ng gravity sa tubig kaya mas madaling matutukoy ang bahagyang mga paggalaw ng katawan, at natutukoy ng mga therapist ang buong kakayahan ng isang tao na gumalaw nang walang paglaban ng gravity.

At, kapag nagsisimula nang mapanumbalik ng mga tao ang paggalaw, mas pinapadali ng tubig ang pagsasanay. Sa tuwing may oras, si Christopher ay nag-aquatherapy nang mga dalawang oras isang beses sa isang linggo.

Paggagamot sa density ng buto

Dahil karaniwang hindi nadaragdagan ang timbang o ang presyon sa buto ng mga taong may paralysis, hindi maiiwasan na mabawasan ang density ng kanilang buto at karaniwang magkakaroon ng osteoporosis.

Sa pamamagitan ng mga gamot at pag-eehersisyo sa FES na bisikleta, nabawi ang osteoporosis ni Reeve at naging normal ang density ng buto niya.

Mga Mapagkukunan ng Tulong at Impormasyon

Kung naghahanap ka ng karagdagang impormasyon ukol sa pag-eehersisyo o kung may partikular kang tanong, ang aming mga information specialist ay makakausap sa mga araw ng trabaho o pasok, Lunes hanggang Biyernes, toll-free sa 800-539-7309 mula alas 7 ng umaga hanggang alas 12 ng umaga ET.

Bilang karagdagan, ang Reeve Foundation ay nagpapanatili ng isang fact sheets sa fitness at ehersisyo na may karagdagang mga mapagkukunan mula sa mga pinagkakatiwalaang mapagkukunan ng Reeve Foundation. Check out our repository of fact sheets sa daan-daang mga paksa mula sa mga mapagkukunan ng estado hanggang sa pangalawang komplikasyon ng paralysis.

Hinihikayat namin kayo na namin na makipag-ugnay sa iba pang mga samahang nagdadalubhasa sa mga therapies na nakabatay sa aktibidad, kasama ang:

  • Clinical Trials: Ambulation Programs ay nagsasama ng isang listahan ng mga programa ng ambulation na kasalukuyang naghahanap ng mga boluntaryo.
  • Clinical Trials: Locomotor (treadmill) Training ay nagsasama ng isang listahan ng mga pagsubok na kinasasangkutan ng Pagsasanay sa Locomotor (treadmill).
  • Model Systems Knowledge Translation Center nag-aalok ng fact sheets na ginawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pagitan ng MSKTC at ng SCI Model Systems. Ang mga materyal na ito ay sumasailalim sa mga pagsusuri ng dalubhasa at konsuminador upang matiyak na napapanahon, nakabatay sa ebidensya, at madaling gamitin ng mga mamimili.
  • Lokomat Program at Rehabilitation Institute of Chicago ay nagbibigay ng robot na tinutulungan ng paglalakad na terapiya gamit ang Lokomat® upang matulungan ang mga tao na mapabuti ang kanilang kakayahang maglakad pagkatapos ng kapansanan na dulot ng pinsala sa utak at gulugod, stroke o neurological at orthopaedic na kondisyon.